Seaman Na Hindi Nakabalik Sa Pagsampa Sa Barko, Kumikita Ngayon Dahil Sa Paghahalaman
Mahirap mawalan ng trabaho lalo na ngayong may pandemya. Katulad na lamang ng 54 taong gulang na dating seaman na ito na si Ely Feria. Sa loob ng 27 taon ay ang pagsampa sa barko bilang isang seaman ang bumubuhay sa kanyang pamilya.
Natapos ang kanyang kontrata noong 2018, ngunit ngayong taon sana ay sasampa siyang muli upang magtrabaho ngunit sa kasamaang palad ay hindi natuloy dulot ng pandemya.
Naging malaki ang pagbabago sa kanilang pamumuhay dahil noon na nagtatrabaho siya sa barko ay kumikita siya ng Php180,000 kada buwan. Pero dahil sa pagkakatigil sa pagtatrabaho, tiis tiis muna sila ng kanyang pamilya.
Ang asawa ni Ely na si Shiela ay may maliit namang negosyo na bilyaran at computer shop ngunit dahil sa lockdown ay naapektuhan rin ang kita nito.
Wika ni Ely,
"Malaki ang kawalan talaga ng finances. Mahirap mag-adjust, lalo na yung mga bata nasanay silang kung may gusto sila maibibigay namin."
Pero imbes na panghinaan ng loob si Ely, ay nag-isip silang mag-asawa ng ibang mapagkakakitaan. At dito muling bumalik si Ely sa paghahalaman na kung saan dati ay hilig naman niya itong gawin
Wika ng asawa niya,
"Whay if i-pursue nating yung noon-noong pang plano mo na gusto mong magkaroon ka ng garden? Magtatanim, magbebenta tayo ng mga halaman, siguro it's about time na ito ay ituloy natin."
Sinimulan ni Ely ang paggawa ng mga paso na kanilang binebenta hanggang sa sinubukan na niyang magtanim ng mga halaman para ibenta.
Maswerte naman si Ely dahil kahit anong itanim niyang halaman sa kanilang bakuran ay nabubuhay.
Nagsimula ang mag-asawa sa Php5,000 lamang na kapital hanggang sa loob lamang ng tatlong buwan ay napalago nila ito sa Php120,000.
Malaki man ang binago ng pandemya sa kanilang buhay, naging daan pa rin ito upang makahanap sila ng ibang pagkakakitaan na kasama pa niya ang kanyang pamilya.
At hindi lang iyon, bukod sa kumikita na siya ay gustong gusto naman niya ang kanyang ginagawa.