Nakakaantig na larawan ng isang Nurse na kumakain mag-isa sa tabi ng kalsada, umani ng sari-saring reaksyon mula sa publiko!
Ang mga itinuturing na bayani ng ating bansa sa ngayon ay ang ating mga healthcare workers. Sila ang mga “frontliners” sa giyera na ito ng maraming mga tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo laban sa kalaban na sadyang napakadelikado, napakalakas at hindi nakikita ng ating mga mata.
Tunay nga na sa kabila ng pangamba, panganib at takot ay hindi sila nagdadalawang-isip na itaya ang sarili nilang mga buhay at kaligtasan alang-alang sa sinumpaan nilang tungkulin na magligtas ng buhay. Nakakalungkot nga lamang isipin na tila marami sa ating mga Pilipino ang hindi karapat-dapat sa mga sakripisyo ng mga makabagong bayani nating ito.
Nang mga lumipas na araw ay kabi-kabila na ang mga balita patungkol sa mga diskriminasyon at hindi magandang pagtrato sa ating mga healthcare workers ng mga taong walang ibang alam kundi ang sarili lamang nilang pananaw at opinyon sa buhay. Marami sa ating mga frontliners ang pinandidirihan, hinuhusgahan at kinukutya na akala mo bang mayroon silang nagawang kasalanan.
Sa halip na suportahan, tulungan at saluduhan sila ay tayo pa mismong mga kababayan nila, na kanilang tinutulungan ang maghahamak sa kanila. Mali, at talaga namang hindi makatao ang mga ganitong kaisipan ng marami sa atin.
Sa halip na magpasalamat ay dumadagdag pa tayo sa problema at sa salot ng ating bayan. Hindi na nga nakapagtataka na pinili na lamang ng isang frontliner na ito na kumain mag-isa sa gilid ng lansangan at maupo sa sahig kaysa naman makarinig pa ng hindi magagandang salita mula sa mga taong makikitid ang utak at makasarili.
Talaga namang umantig sa puso ng maraming mga netizens ang post na ito ni Acer Bongolo Vergara Bautista sa kaniyang Facebook account. Mapapansin ang isang medical frontliner na walang kaarte-arteng kumakain sa gilid ng lansangan. Nakakalungkot dahil sa kinakailangan nilang maranasan ito sa sarili nilang bayan sa kabila ng kanilang mga sakrispisyo.
Nakakagalit din naman na hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga Pilipino na hindi pa nagigising sa katotohanan at ni hindi man lamang marunong magpasalamat sa mga pribilehiyong mayroon sila sa ngayon sa kabila ng krisis na ating kinakaharap!